Panimulang panuntunan sa pagpapatalâ ng mga biktima : Natatangi ang partisipasyon ng mga biktima sa kaso ni Duterte sa ICC
Inilabas na ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang panimulang panuntunan sa pagpapatalâ ng mga biktima sa kaso laban sa dating Presidente Rodrigo Duterte.
April 23, 2025
The National Union of Peoples’ Lawyers is a nationwide voluntary association of human rights lawyers in the Philippines, committed to the defense, protection, and promotion of human rights, especially of the poor and the oppressed.

Inilabas na ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang panimulang panuntunan sa pagpapatalâ ng mga biktima sa kaso laban sa dating Presidente Rodrigo Duterte. Ang paglahok bilang participating victim ay makabagong paraan para direktang marinig ng korte ang mga pananaw at pag-aalala ng mga biktima; iba ito pagiging saksi sa krimen (victim-witness). Ang primaryang intensyon ng participating victim ay patunayan ng pinsala sa sarili at sa pangkalahatan, at sa huli ay maging bahagi ng reparations kung sakaling mahatulang guilty si Duterte.

Kung paghahambingin:

 Participating victimVictim-witness
Abogadong tatayo sa korteLegal representative ng mga biktimaTutulungan ng Prosecutor (maari ring ipatawag ng Defense)
Kaugnayang opisinaVictims Participation and Reparations Section [VPRS] na parte ng Registry ng ICCOffice of the Prosecutor (o Defense team)
IntensyonPatunayan ang pinsalaPatunayan ang krimen o nangyari
Diwa ng sasabihinPananaw at pag-aaalala (views and concerns)Katotohanan tungkol sa krimen o nangyari
Paraan ng pagpapaabot sa korteWritten submissionsPersonal na pagtestigo
Pagpunta sa korte sa The HagueHindi kailangan, pero pwedeKailangang personal na tumestigo
Paglalantad ng pangalan sa publikoHindi kailangan, pero pwedeMaaring bigyan ng proteksyon
PagkakakilanlanKailangan magsubmit ng gov’t-issued ID (nakasaad sa baba)Kailangan may hawak na passport at iba pang dokumento
Kailan lalahokSa bawat yugto ng kaso at kung kailan kailanganKapag ipinatawag ng kampo

Sa ngayon, ang mabibilang na participating victim sa kaso ni Duterte ay mga di-tuwirang biktima (indirect victim) o ang mga kaanak o malalapit na tao ng mga namatay sa “war on drugs” (direct victim) sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011 at Marso 16, 2019. Ang indirect victim ay sinumang naapektuhan ng insidente at nakatamo ng pinsala (harm).

May apat na mahahalagang bagay na dapat paghandaan: salaysay ng insidente, deklarasyon ng pinsala, pruweba ng pagkatao, at pruweba ng relasyon sa namatay.

  1. Salaysay ng insidente

Kailangan ng malinaw at maikli ngunit masaklaw na salaysay ng insidente: kailan, saan, at paano naganap ang patayan, ano ang nangyari sa namatay, ano ang nangyari sa mga kaanak o malapit na tao, sino ang responsable sa patayan (halimbawa, pulis o vigilante), Hindi absolutong kailangan ng death certificate o police report, pero maaring magsumite rin bilang dagdag patunay ng naganap. Kung may mali sa death certificate, partikular ang cause of death, dapat ipaliwanag ito sa form. Ang anumang isusumite ay hindi ipapasok sa kaso ni Duterte bilang ebidensya.

Isusulat ito sa isang application form na ilalathala ng ICC Registry. Hinihintay natin ang aprubadong household application form para maaring sama-sama sa isang form ang isang pamilya o grupo na magkakasama sa bahay.

Hinihiling rin ang pagtatakda ng isang contact person kada pamilya o grupo. Lahat ng biktima ay dapat pumirma sa application form.

  • Deklarasyon ng pinsala

Maaring naapektuhan ang mga biktima nang pisikal (nakasugat, nagkasakit, atbp.), psychological (paghihirap, galit, takot, bangugnot, atbp.), kawalan o pagkasira ng ari-arian (nasira ang bahay kung saan naganap ang patayan, ninakawan ng motor ng pumatay, atbp.), at sa ibang paraan (kawalan ng oportunidad at ng breadwinner ng pamilya, stigmatization, atbp.). Hindi rin absolutong kailangan ng pruweba ng pinsala, halimbawa ng medical records, pero maaring magsumite rin bilang dagdag patunay ng pinsala.

May checklist sa application form na ilalathala, at malayang magsalaysay sa form ng ano ang sinapit ng mga biktima.

  • Pruweba ng pagkatao (identity documents)

Ihanda ang alinman sa sumusunod na government-issued ID, isa lang kada bawat biktima:

  • Passport
  • National ID
  • Social Security System (SSS) ID o Unified Multi-Purpose ID (UMID) card
  • Government Service Insurance System (GSIS) ID card o UMID card
  • Driver’s license
  • Professional Regulatory Commission (PRC) ID card
  • Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ID or OWWA e-card
  • Department of Labor and Employment card (iDOLE card)
  • Voter’s certification with dry seal
  • Firearms license
  • Senior citizen ID card
  • Persons with disabilities (PWD) ID card
  • National Bureau of Investigation (NBI) clearance
  • Alien Certificate of Registration ID card
  • PhilHealth ID card
  • Airman’s license
  • Pag-IBIG Loyalty Card
  • Integrated Bar of the Philippines (IBP) ID card
  • Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ID card
  • School ID o certificate of enrolment/registration na may picture ng bata at dry seal ng school
  • Taxpayer Identification Number (TIN) card
  • Postal ID
  • Barangay certification
  • Seaman’s Book (Seafarer’s Record Book)
  • Police clearance
  • Cedula (community tax certificate)
  • Philippine Statistics Authority (PSA) marriage certificate
  • PSA birth certificate
  • Solo parents ID card; at
  • Baptismal certificate’.

Ipa-photocopy o ipa-scan na ang mga ID. Kopya lamang at hindi original ang isusumite sa VPRS.

Kung wala sa alinmang ID na nakalagay dito, maaring magsumite ng deklarasyon o affidavit na pirmado ng dalawang saksi na may ID. Bubusisiin ito ng VPRS at ng korte mismo.

  • Pruweba ng relasyon sa namatay

Kailangan ng patunay ng relasyon sa namatay. Para sa mga mag-asawa, maaring magpakita ng marriage certificate. Para sa mga kinakasama, sapat na ang birth certificate ng mga anak kung saan nakalagay ang parehong pangalan ng magulang. Para sa mga anak, bukod sa birth certificate, pwede rin ang solo parent ID ng naulilang magulang kung saan nakalista ang pangalan ng mga anak. Maari ring magharap ng iba pang patunay ng relasyon, katulad ng mga litrato, salaysay ng ibang tao.

Kung gagamit ng household application form, isahan lamang ang pagsa-submit na ng lahat ng dokumento.

Sa huling bahagi ng form, may puwang para isulat ang pangalang ng itinutring na legal representative. Hindi kailangang magbayad o kumuha ng abogado kung hindi kakayanin.

Nakalathala sa website ng ICC ang mga kailangang gawin: https://www.icc-cpi.int/victims/republic-philippines. May individual application form doon na maari nang pag-aralan o pagsimulan na. Inaasahan natin na ilalabas anumang araw ngayon ang eksatong panuto ng VPRS patungkol sa aplikasyon. Sa ngayon, rekomendadong magsumite ng soft copy (isang PDF file na kasama ang application form at lahat ng supporting documents).

Sa ngayon, hindi pa pormal na bukas ang registration, pero ang deadline ng VPRS para mag-submit sa Pre-Trial Chamber I ng kanilang report ay sa Agosto 20, 2025 para sa mga aplikasyon na kailangan pang busisiin, at Agosto 27, 2025 para sa mga malinaw na tatanggapin o tatanggihan. Mas maaga rito dapat ang pagsa-submit natin sa VPRS.

Mas mainam na may katuwang ang mga biktima sa pagsagot ng mga form. Sa ganang ito, mahigpit na magtutulungan ang NUPL at ang Rise Up for Life and for Rights sa pag-alalay ng mga miyembro ng grupo.

Para sa mga walang kinabibilangang organisasyon at/o ngayon lang lalahok, tutulong ang Duterte Panagutin network sa sinumang biktima na lalapit, Ilalabas sa susunod na linggo ang mga paraan kung paano sila ma-kontak.

Sanggunian:

Atty. Kristina Conti

Pangkalahatang kalihim ng National Union of Peoples’ Lawyers-National Capital Region (NUPL-NCR)

Ligal na tagapayo ng mga biktima ng “gera kontra drogra” sa ilalim ng Rise Up for Life and for Rights

Rehistrado bilang ICC assistant to counsel

+63 929 820 7000 | nupl2007@gmail.com

Rise Up for Life and for Rights (grupo ng mga biktima)

+63961 341 8919 | rise.up.phils@gmail.com

Facebook: RiseUpForLifeAndRights (https://www.facebook.com/RiseUpForLifeAndRights)

Duterte Panagutin Network (suporter at umaalalay sa mga biktima ng “gera kontra droga” at iba pang krimen ni Duterte)

Facebook: Duterte Panagutin Campaign Network (https://www.facebook.com/panagutin)

Full Document Here:

Read more

Examining Duterte’s defenses before the ICC

Examining Duterte’s defenses before the ICC

By the National Union of Peoples’ Lawyers — Panay Chapter7 May 2025 (PANINDUGAN) ILOILO City — On 1 May 2025, defense lawyers for Rodrigo Duterte, who is currently detained in The Netherlands for crimes against humanity, filed a submission with Pre-Trial Chamber...

Share This